GIVE Online

Ano ang mga hangarin mo sa buhay? (Maghanda na para sa Ebanghelyo ngayong Linggo, Agosto 29.) PDF Print E-mail

Ang Misa sa parating na Linggo ay dapat paghandaan. Hindi dapat magsimba na walang alam. Para mas maging makahulugan ang Misa, pagmunihan na ang Ebanghelyo para sa Agosto 29 ngayon pa lamang! Samahan si Bro. Jun-G Bargayo, SJ at ang ating virtual community sa pagmumuni at pagdarasal tungkol sa ating mga hangarin...

 
Isang Araw ng Pamamahinga, si Jesus ay inanyayahang kumain
sa bahay ng isang pinuno ng mga Pariseo,
at binabantayan nilang mabuti ang kanyang mga kilos.
Napansin ni Jesus na ang pinipili ng mga panauhin
ay ang mga upuang pandangal.
Kaya't sinabi niya ang talinhagang ito sa kanila.
"Kapag inanyayahan ka sa isang kasalan, huwag kang uupo agad
sa upuang pandangal. Baka may inanyayahang mas marangal
kaysa sa iyo. Baka lapitan ka ng nag-anyaya sa inyong dalawa
at sabihin sa iyo, 'Maaari bang ibigay mo ang upuang iyan
sa taong ito?' Sa gayon, mapapahiya ka at doon ka uupo
sa pinakaabang upuan. Mabuti pa, kapag naanyayahan ka,
doon ka muna maupo sa pinakaabang upuan.
Kapag lumapit sa iyo ang nag-anyaya at kanyang sinabi,
'Kaibigan, dito ka sa kabisera,' mapaparangalan ka
sa harap ng lahat ng mga panauhin.
Sapagkat ang nagmamataas ay ibababa,
at ang nagpapakumbaba ay itataas."
Sinabi naman ni Jesus sa nag-anyaya sa kanya,
"Kapag naghahanda ka ng isang salu-salo,
huwag ang iyong mga kaibigan, mga kapatid, mga kamag-anak
o mayayamang kapitbahay ang aanyayahan mo,
dahil aanyayahan ka rin nila at masusuklian na ang iyong ginawa.
Subalit kapag ikaw ay maghahanda, anyayahan mo ang mga mahihirap,
mga lumpo, mga pilay, at mga bulag.
Kapag ganito ang ginawa mo, magiging mapalad ka,
dahil hindi man nila masuklian ang ginawa mo,
ang Diyos ang magbibigay sa iyo ng gantimpala
sa muling pagkabuhay ng mga banal."

Nasa Grade 4 ako noon nang inatasan kami ng aming guro na isulat sa papel ang aming mga hangarin sa buhay. Ito ang aking isinulat:
           
   20 taong gulang: Tapos na ako sa pag-aaral.
   21 taong gulang: May matatag na akong trabaho.
   23 taong gulang: Nagsisimula na akong magnegosyo.
   25 taong gulang: Milyonaryo na ako.
 
Isa-isa kaming kinausap ng aming guro tungkol sa aming mga isinulat. Tinanong ako ng aking guro kung bakit gusto kong yumaman. Alalang alala ko ang aking sagot. Sabi ko sa kanya, “Ma’am, gusto ko pong maging isang importanteng tao. Ayoko po na binabalewala lang at naiiwan sa tabi. Gusto ko ring sumikat.”
 
Ang sagot na ito ang nag-udyok sa akin na magsumikap at galingan ang aking pag-aaral. Kaya naman natapos ko ang aking elementary at high school na may karangalan.
 
Ngunit, noong nasa college na ako, iba na ang aking naging lakas upang magpursige sa pag-aaral. Marahil nakilala ko na ang Panginoon at gusto kong sumunod sa Kanya. Nakita ko na ang Kanyang kadakilaan ay hindi nanggaling sa kayamanan o kapangyarihan. Nanggaling ito sa kababaan ng loob at pagmamahal. Noong marinig ko ang Kanyang sinabi, “Sapagkat ang nagpapakataas ay ibababa, at ang nagpapakababa ay itataas,” natakot ako kasi nakikita ko na sa aking sarili na yumayabong na ang aking yabang at ang aking kasakiman sa kapangyarihan. Gustong-gusto ko noon na lagi akong leader kasi masarap ang pakiramdam ng pinakikinggan at sinusunod. Pinilit kong magbago at laging ito ang laman ng aking dasal, “Panginoon, turunan Niyo po akong maging mapagkumbaba at bukas-palad.”
 
Ngayon, masasabi kong nariyan pa rin ang aking yabang. Ngunit masaya akong paminsan-minsan ay pinapaalalahanan ng Panginoon. Isang paalala Niya sa akin ay ang ating Ebanghelyo sa parating na Linggo. Paalala Niya: Sa bawat pagsusumikap, laging tandaan na ang mga tagumpay na iyong matatamo ay magbigay sana ng papuri sa Diyos at hindi sa sarili. Sa pagbibigay ng sarili, huwag umasa ng ano mang kapalit. Sa pakikipagkapwa-tao, alalahanin ang mga mahihirap at bahaginan sila ng biyayang natanggap.
 
Isipin mo ngayon ang iyong mga hangarin sa buhay. Ilista mo ang mga ito. Kung nakamit mo na ang mga ito, saan ka nila dinala? Kung wala pa ang mga ito sa iyong mga kamay, tanungin mo ang iyong sarili: Magbibigay ba ang mga ito ng papuri sa iyong sarili o sa Diyos?  
 
Para sa mga naglilingkod sa Simbahan: Maaari kaya na ang ating kagustuhang maglingkod sa Simbahan ay panggagalingan ng yabang at ugaling mapagmataas? Habang nagbibigay ka ng talk, recollection, o retreat, o habang kumakanta at nagbabasa ka sa Misa, sino ba ang iyong pinasisikat? Ang sarili mo o ang Panginoon? 


- Bro. Jun-G Bargayo, SJ


"Ginagawa tayong huwad ng pagmamataas,
at ginagawa tayong totoo ng kapakumbabaan."

- Thomas Merton -

"Pride makes us artificial and humility makes us real."


Ano ang bunga ng iyong pagmumuni?
May gusto ka bang ibahagi? Ingles man o Filipino --kahit Tag-lish--
i-share mo na sa ibaba!

D-Modules: Comment service

Prepare for the rest of the readings this August 29.
Open your bible to:
Sirach 3:17-18, 20, 28-29
Hebrews 12:18-19, 22-24a
Luke 14:1, 7-14

Or click here to read this coming Sunday's readings.
 
See you again next week!
 
spacer
spacer

 

The more than 300 men of the Philippine Province of the Society of Jesus serve in five universities, numerous schools for basic education, two diocesan major seminaries, three urban and five rural parishes... (READ MORE)

 

Thank you for considering a donation to help our mission.

 

 

 

 

Your gift will be much appreciated and put to good use. Be assured, too, that you will be with us in our prayers, Masses and apostolic works, even as we also ask you to continue to pray for us. 

 

 

Sincerely yours in the Lord, 

JOSE C. J. MAGADIA, S.J.
Provincial 

 

Home Past Articles
Curious about something? Trying to find a Jesuit? Or just want to give us some feedback? Send us a quick note!







Copyright © 2012. The Philippine Jesuits.