GIVE Online

Kung baka lokohin ka, tutulong ka pa rin ba? PDF Print E-mail

Ang Misa sa parating na Linggo ay dapat paghandaan. Hindi lang dapat magsimba na walang alam. Para mas maging makahulugan ang Misa, pagmunihan na ang Ebanghelyo para sa Hulyo 11 ngayon pa lamang! Samahan si Bro. Jun-G Bargayo, SJ at ang iba pang nais maghanda para sa Misa sa pagtatanong at pagdarasal tungkol sa Mabuting Samaritano...

 
Pagkatapos nito, pumili ang Panginoon ng pitumpu't dalawa.
Isang dalubhasa sa kautusang Judio ang lumapit kay Jesus
upang siya'y subukin. "Guro, ano ang dapat kong gawin
upang magkaroon ako ng buhay na walang hanggan?"
tanong niya.

Sumagot si Jesus, "Ano ba ang nakasulat sa Kautusan?
Ano ba ang nababasa mo roon?"

Sumagot ang lalaki, "'Ibigin mo ang Panginoon mong Diyos
nang buong puso, buong kaluluwa, buong lakas,
at buong pag-iisip;' at 'Ibigin mo ang iyong kapwa
gaya ng pag-ibig mo sa iyong sarili.'"

Sabi ni Jesus, "Tama ang sagot mo. Gawin mo iyan
at magkakamit ka ng buhay na walang hanggan."

Upang huwag siyang lumabas na kahiya-hiya,
nagtanong pa ang lalaki, "Sino naman ang aking kapwa?"

Sumagot si Jesus,
"May isang taong naglalakbay
mula sa Jerusalem papuntang Jerico.
Hinarang siya ng mga tulisan, kinuha pati ang damit
sa kanyang katawan, binugbog, at iniwang halos patay na.
Nagkataong dumaan doon ang isang paring Judio.
Nang makita ang taong nakahandusay, lumihis siya
at nagpatuloy sa kanyang paglakad.
Dumaan din ang isang Levita, ngunit nang makita niya
ang taong binugbog, lumihis din ito
at nagpatuloy sa kanyang paglakad.
Ngunit may isang Samaritanong naglalakbay
na napadaan doon. Nakita niya ang biktima at siya'y naawa.
Nilapitan niya ito, binuhusan ng langis at alak
ang mga sugat at binendahan. Pagkatapos, ang lalaki
ay isinakay ng Samaritano sa kanyang asno at dinala ito
sa bahay-panuluyan upang maalagaan doon.
Kinabukasan, binigyan niya ng dalawang salaping pilak
ang may-ari ng bahay-panuluyan, at sinabi,
'Heto, alagaan mo siya, at kung higit pa riyan
ang iyong magagastos, babayaran ko sa aking pagbalik.'"

At nagtanong si Jesus, "Sa palagay mo, sino kaya sa tatlo
ang naging tunay na kapwa ng taong hinarang ng mga tulisan?"

"Ang taong tumulong sa kanya," tugon ng abogado.
Kaya't sinabi sa kanya ni Jesus, "Sige ganoon din
ang iyong gawin."


Dalawang taon na ang nakaraan nang may nangyari sa akin habang tumatakbo ako sa may Katipunan Avenue na hindi ko makalilimutan. Mga alas singko na noon ng hapon nang may nakasalubong akong mag-ina. Nasagap ko ang kanilang pinag-uusapan. Sinabi ng nanay, “Huwag kang mag-alala makakauwi rin tayo.” Huminto ako sa may di-kalayuan at pinagmasdan ko sila. Lumapit sila sa isang babaeng nag-aabang ng taxi. Pero, matapos ang ilang sandali, umatras ang mag-ina. Batid sa kanilang mga mukha ang kalungkutan. Bakas ang kanilang pagkabigo. Hindi ako nakatiis at nilapitan ko sila. Tinanong ko ang nanay at napag-alaman ko na kailangan pala nila ng dalawampu’t limang piso para makauwi sa Laguna. Nawala daw kasi ang pitaka ng nanay. Dinukot ko ang aking pitaka at ibinigay ang lahat ng laman nito: Tatlong daang piso. Masayang tinanggap ng nanay ang aking pera. Nagpasalamat sila.
 
Pagdating ko sa bahay, masayang masaya kong ikinuwento ang aking karanasan sa isang kaibigan. Ngunit, iba ang naging reaksyon niya. Sabi niya, “Bakit ka nagbigay? Paano kung “modus operandi” iyon? Naisahan ka. Bakit hindi mo naisip iyon?”  
 
Wala na akong nasabi. Nagulumihanan ako. Tinanong ko ang aking sarili: Mali nga ba ang ginawa ko?    
 
Sinagot ang aking tanong nang magsimba ako kinalingguhan. Ang Ebanghelyo noon ay tungkol sa isang mabuting Samaritano. Nang tanungin si Hesus ng isang eskriba kung sino ang kanyang kapwa, ikinuwento Niya ang kabutihan ng isang Samaritanong naglalakbay nang makakita ng isang taong sugatan at nakahandusay sa daan. Hindi tulad ng saserdote at ng isang Levita na naunang dumaan, hindi nagdalawang isip ang Samaritano na tulungan ang sugatan. Ginamot niya ang mga sugat nito; dinala niya ang taong ito sa isang bahay-panuluyan; ginastusan at inalagaan niya ito, kahit pa itinuturing na magkaaway ang mga Hudyo at Samaritano.
 
Idiniin ng pari sa kanyang homilya ang hamon ni Hesus sa dulo ng Ebanghelyo, “Humayo ka’t gayun din ang gawin mo.” Sabi ng pari, isa itong halimbawa ng pagtulong sa kapwa na walang kondisyon. Hindi nito tinitignan kung sino ang tinutulungan o kung saan mapupunta ang perang ginamit sa pagtulong. Ito’y isang wagas na pag-ibig sa kapwa, maging sinoman, sa anumang kalagayan.
 
Bumalik ang alaala ko sa mag-inang binigyan ko ng pera at ang reakyon ko sa sinabi ng kaibigan ko. Napagtanto ko na hindi na mahalaga kung ano ang gagawin ng mag-ina sa perang ibinigay ko. Ang mahalaga ay ang ginawa kong pagtulong. Sabi nga ng isa sa mga guro ko sa elementarya, ang pagtulong daw ay dapat laging nakatuon sa kapwa at kailanman ay hindi sa sarili.
 
Ang kuwento ng mabuting Samaritano ang siya ring Ebanghelyo natin sa parating na Linggo. Maaari nating tanungin ang ating mga sarili: Meron bang nakatagong mga kondisyon sa aking pagtulong? Pinipili ko ba kung sino lang ang dapat kong tulungan? Sinisigurado ko bang may kahahantungan ang aking tulong?        
 
Halimbawang may nasalubong kang isang batang musmos at humihingi siya ng perang pambili ng pagkain, ano ang iyong gagawin?

- Bro. Jun-G Bargayo, SJ

Gawin ang lahat ng mabuting kaya mong gawin
Sa lahat ng kakayahan mo
Sa lahat ng paraang kaya mo
Sa lahat ng lugar na kaya mo
Sa lahat ng pagkakataong kaya mo
Sa lahat ng taong kaya mo
Hanggang sa kaya mo
Do all the good you can
By all the means you can
In all the ways you can
In all the places you can
At all the times you can
To all the people you can
As long as ever you can
- John Wesley


May tanong ka ba tungkol sa Ebanghelyo ngayong Linggo?
May gusto ka bang ibahagi? Ingles man o Filipino --kahit Tag-lish--
share mo na sa ibaba!

D-Modules: Comment service

Prepare for the rest of the readings this July 11.
Open your bible to:
Dt 30:10-14
Col1:15-20
Lk 10:25-37
 
See you again next week!




 
spacer
spacer

 

The more than 300 men of the Philippine Province of the Society of Jesus serve in five universities, numerous schools for basic education, two diocesan major seminaries, three urban and five rural parishes... (READ MORE)

 

Thank you for considering a donation to help our mission.

 

 

 

 

Your gift will be much appreciated and put to good use. Be assured, too, that you will be with us in our prayers, Masses and apostolic works, even as we also ask you to continue to pray for us. 

 

 

Sincerely yours in the Lord, 

JOSE C. J. MAGADIA, S.J.
Provincial 

 

Home Past Articles
Curious about something? Trying to find a Jesuit? Or just want to give us some feedback? Send us a quick note!







Copyright © 2012. The Philippine Jesuits.